P2K buwanang cash aid sa mga guro, inihihirit sa Kamara

P2K buwanang cash aid sa mga guro, inihihirit sa Kamara

August 30, 2022 @ 8:33 AM 1 month ago


MANILA, Philippines – Kung may alok na cash aid ang Department of Social Welfare and Development(DSWD) sa mga estudyante para pambili ng kanilang school supplies ngayong pasukan, ilang mambabatas ang nagsusulong naman na bigyan din ng pambili ng supplies ang mga guro.

Sa ilalim ng House Bill No 3524 o Teaching Supplies Allowance Act nina Davao City Rep Paolo Duterte at Benguet Rep Eric Yap ay himirit sila ng P2,000 tax exempt allowance kada buwan sa loob ng school year para sa mga guro sa pampublikong paaralan upang ipambili ng teaching supplies at materials.

Ayon kay Duterte hindi na akila sa lahat na madalas ay sa sariling bulsa ng mga guro nanggagaling ang pambili ng ilang supplies sa loob ng kanilang silid-aralan, aniya, ang ganitong sistema ay dapat nang alisin dahil hindi na dapat pagastusin pa ang mga guro lalo at maliit at kulang pa ang kanilang sahod.

“Public school teachers will have to cope with even more expenses to carry out their responsibilities once full face-to-face classes are implemented. Our proposal will help ease these financial woes,” ani Duterte.

Nakapaloob sa panukala na ang cash allowance na ibibigay ay para pambili ng “tangible at intangible” teaching supplies, inaatasan din nito ang Department of Education (DepEd) na magsagawa ng periodic review kung magkano ang posibleng itaas pa sa allowance depende sa presyo ng school materials sa merkado.

Ang pondo para sa nasabing programa ay ipapaloob sa budget ng DepEd sa ilalim ng General Appropriations Act (GAA).

Sa kasalukuyan ay mayroong cash allowance o tinatawag na chalk allowance na natatangap ang mga public school teachers , noong P2020 ay P3,500 ito kada taon at nitong 2021 at 2022 ay ginawang P5,000 ngunit iginiit ng mga solon na hindi ito sapat sa harap na rin ng mataas na presyo ng school supplies. Gail Mendoza