P2M gadget, natangay ng kawatan sa Rizal

P2M gadget, natangay ng kawatan sa Rizal

January 6, 2023 @ 11:35 AM 4 weeks ago


RODRIGUEZ, Rizal-HIGIT sa P2 Milyon halaga ng mga gadget ang natangay ng mga kawatan sa dalawang sangay ng isang appliance center sa Rodriguez, Rizal, iniulat kahapon.

Tugis ngayon ng Rodriguez-PNP ang mga suspek matapos makunan ang mga mukha sa closed-circuit television (CCTV) sa loob ng establisyemento ng appliance center.

Ayon sa pulisya, base sa kuha sa CCTV, bandang 5:00 AM dumating ang apat na lalaki sakay ng motorsiklo at pumarada sa tapat ng establisyemento ng appliance center.

Pumasok ang dalawa habang ang iba ay nagsisilbing look-out. Hindi nila tinanggal ang kanilang helmet pinagkukuha ang mga mamahaling gadgets na aabot sa halagang P700,000 saka tumakas.

Ayon kay Lenie Reyes Parale, may-ari ng appliance center, noong Setyembre 2022 pinasok rin ng mga kawatan ang isa nilang branch na dumaan sa exhaust fan.

Nakuhanan rin sa CCTV ang pagtangay ng mga suspek ng mga mamahaling gadgets na aabot sa higit kalahating milyong piso.

Bago, tumakas tinangay ng mga ito ang central processing unit (CPU) kung saan nakakabit ang CCTV.

Nanawagan naman si Parale sa mga katabing establisyemento na biktima rin ng mga suspek para sa kanilang kooperasyon at ibahagi ang mga kuha sa kanilang CCTV para sa mabilis na ikadarakip ng mga suspek.

Samantala, nasampahan na ng kaukulang kaso ng Rodriguez Police ang mga suspek./Mary Anne Sapico