P2M shabu nasabat ng BOC sa warehouse, claimant arestado

P2M shabu nasabat ng BOC sa warehouse, claimant arestado

February 10, 2023 @ 5:24 PM 2 months ago


MANILA, Philippines – HALOS nasa P2 milyon halaga ng shabu ang nasabat ng mga tauhan ng Bureau of Customs (BOC)-Port of Ninoy Aquino International Airport (NAIA) sa DHL Warehouse sa Pasay City.

Ayon sa BOC, naaresto ang nagsilbing claimant ng isang parsel na naglalaman ng P1.74 milyon halaga ng shabu sa isinagawang controlled delivery operations katuwang ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), at NAIA Inter-Agency Drug Interdiction Task Group (NAIA-IADITG) sa Makati City nitong Pebrero 6.

Napag-alaman sa BOC na ang nasabing parsela ay idineklara na naglalaman ng isang antigong french phone, ay dumating sa Port of NAIA mula sa France noong Enero 30. Sa pisikal na pagsusuri, naglalaman ito ng 255 gramo ng puting crystalline substance.

Nagsasagawa ng custodial investigation ang PDEA sa claimant para sa inquest nito dahil sa paglabag sa Republic Act (RA) 9165 o ang Anti-Illegal Drugs Act, at RA 10863, na kilala rin bilang Customs Modernization Act. JAY Reyes