P3.3M budget sa Winter Olympics inaprubahan ng PSC

P3.3M budget sa Winter Olympics inaprubahan ng PSC

January 19, 2022 @ 12:48 PM 7 months ago


MANILA, Philippines – Aprub na sa Philippine Sports Commission (PSC) ang P3.3 milyon pondo para sa nag-iisang kinatawan ng bansa sa Beijing Winter Olympics na magsisimula sa Pebrero 4.

Ayon sa ulat, tanging si Filipino-American alpine skier Asa Miller ang nag-iisang manlalaro ng bansa na lalahok sa nasabing torneo.

Sasamahan si Miller nina Chef de Mission Bones Floro, Philippine Ski and Snowboard Federation President Jim Palomar Apelar, COVID-19 liaison officer Nikki Cheng, athlete and administrative officer Dave Carter, athlete welfare officer Jobert Yu at coach nito na si Will Gregorak.

Base sa record, ito na ang ikalawang  pagsabak ni Miller sa Winter Olympics dahil noong 2018 Games sa PyeongChang, South Korea ay sumali ito sa slalom event.

Ikinatuwa naman ni Miller ang suporta ng PSC sa kanya.

Tutulak si Floro sa Beijing sa Enero 27 habang inaasahan na susunod ang ilang delegasyon sa Enero 28.Rico Navarro