P3.4M halaga ng shabu, nakuha sa 2 drug runner

P3.4M halaga ng shabu, nakuha sa 2 drug runner

September 29, 2022 @ 8:00 PM 2 months ago


SORSOGON – Arestado ang dalawang pinaniniwalaan drug runner matapos makuhanan ng P3.4 milyon na halaga ng shabu sa isinagawang operasyon ng mga awtoridad nitong Martes, Setyembre 27 sa bayan ng Matnog.

Kinilala ang mga suspek na sina Francisco Cawa III, nasa hustong gulang, taga Malate, Manila at Raffy Tepace, na taga Norala, South Cotabato.

Batay sa report ng Matnog Municipal Police Station, dakong 6:00 ng gabi nadakip ang mga suspek sa Barangay Manjumlad, Matnog, Sorsogon.

Ayon kay Police Major Dominic Borigas, hepe ng Matnog-PNP, modus ng mga suspek ang mag deliver ng mga frozen goods habang isinasakay ang pagdadala ng malaking halaga ng iligal na droga.

Natunugan ng mga pulis na bumiyahe ang mga suspek na may dalang shabu kaya agad na inilatag ang operasyon laban sa mga suspek.

Nakuha sa mga ito ang 500 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng P3.4 milyon.

Kasalukuyang nakakulong sa lock-up cell ng Matnog Police Station ang mga suspek at nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. Mary Anne Sapico