P3.4M tobats nasabat sa 3 big time target

P3.4M tobats nasabat sa 3 big time target

July 31, 2022 @ 10:00 AM 2 weeks ago


MANILA, Philippines – Tatlong high value individuals (HVI) ang nalambat sa inilatag na buy-bust operation ng pinagsanib na pwersa ng District Drug Enforcement Unit (DDEU) at District Intelligence Division (DID) na nasasakop ng Southern Police District (SPD) kung saan nakumpiskahan ang mga suspects ng P3,434,000 halaga ng shabu Biyernes ng gabi (Hulyo 29).

 

Kinilala ni SPD director P/Brig. Gen P/Brig. Gen. Jimili L. Macaraeg ang mga arestadong HVI suspects na sina Eduardo Arciaga Ocampo a.k.a. Allen, 47; Mike Chavenia, 24, parking boy; at Almer Aguiliña Gula, 33, pawang mga residente ng Parañaque City.

 

Base sa report na natanggap ni Macaraeg, naganap ang matagumpay na pagkakasa ng operasyon ng DDEU at DID laban sa mga suspects dakong alas 10:30 ng gabi sa Puyat Compound, Barangay Tambo, Parañaque City.

 

Sa naturang operasyon ay nakarekober ang mga operatiba sa posesyon ng mga suspects ng isang heat sealed transparent plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu, 5 nakataling transparent plastic ice bag na naglalaman din ng hinihinalang shabu, 1 itim na hand bag, 1 kulay pulang sling bag at ang ₱1,000 na ginamit bilang buy-bust money na nakapatong sa 7 tig-isang libong boodle money.

 

Ang nakumpiskang illegal na droga na may tumitimbang ng humigit-kumulang 505 gramo na nagkakahalaga ng ₱3,434,000 at gagamitin bilang ebidensya sa pagsasampa ng kaso laban sa mga suspects ay itinernober sa SPD Forensic Unit para sumailalim sa chemical analysis.

 

Nahaharap sa kasong paglabag sa Sections 5 at 11 sa ilalim ng Art II ng RA 9165 ang mga suspects na kasalukuyang nakapiit sa detention facility ng DDEU.

 

“Ang Southern Police District ay nagsusumikap upang makamit ang aming layunin na protektahan ang komunidad mula sa mga epekto ng banta na dulot ng illegal na droga. Hindi kami titigil na sugpuin ang talamak na pamamahagi ng illegal na droga sa aming nasasakupan,” ani Macaraeg. James I. Catapusan