P3.757 trilyon budget para sa taong 2019, aprubado na

P3.757 trilyon budget para sa taong 2019, aprubado na

July 10, 2018 @ 2:51 PM 4 years ago


Manila, Philippines – Opisyal nang inaprubahan nina Pangulong Rodrigo Roa Duterte at ng kanyang gabinete ang panukalang P3.757 trillion national budget para sa taong 2019.

Ayon kay Presidential spokesperson Harry Roque nangyari ang pag-apruba sa national budget sa 27th cabinet meeting kagabi sa Malakanyang.

Sinabi naman ni Department of Budget and Management (DBM) Secretary Benjamin Diokno na walang pagbabago sa kasalukuyang national budget ang naaprubahan para sa susunod na taon.

“We plan to submit the 2019 P3.757 trillion cash-based budget on July 23rd, day of the state of the nation address,” ayon sa Kalihim.

Ang kagandahan aniya ngayon ay “cash-based” at hindi na “obligation-based” o ang nakagawian sa nakaraang naglalagay ng alokasyon na wala pang available na pagkukunan ng pondo.

“Parehas lang ng sa 2018 budget. Obligation-based budget iyon pero sa 2019 magiging cash-based budget. Rationale bakit hindi nag-increase: binago na namin ‘yong pag ba-budget. Magiging annual cash based budget so ‘yong in a way mas mababa ang cash based this year,” anito.

Sinasabing ang edukasyon pa rin ang may pinakamalaking alokasyon sa 2019 na sinundan naman ng Department of Public Works and Highways.

Kasama sa 10 may pinakamalaking alokasyon ang Department of Transportation, Department of National Defense, Department of Interior and Local Government, Department of Health at Autonomous Region in Muslim Mindanao.

Samantala, binigyang-linaw ni Sec. Diokno na wala pang alokasyon sa 2019 budget para sa hakbang na baguhin ang porma ng gobyerno patungong pederalismo. (Kris Jose)