P3.7M kush nasabat, claimant timbog sa Subic

P3.7M kush nasabat, claimant timbog sa Subic

February 24, 2023 @ 7:56 AM 1 month ago


MANILA, Philippines – Mahigit dalawang kilo ng hinihinalang kush o high-grade marijuana na nagkakahalaga ng mahigit P3.7 milyon ang nasabat ng mga ahente ng Bureau of Customs (BOC).

Sa isang pahayag na inilabas noong Huwebes, sinabi ng Customs na isang kontroladong paghahatid sa address ng consignee sa Subic ang humantong sa pagkaaresto sa isang claimant.

Dumating sa bansa ang shipment na naglalaman ng mga drug contraband noong Pebrero 19 mula sa Quebec, Canada, at una nang idineklara na naglalaman ng “window curtains, cotton”, ayon sa BOC.

Gayunman, sa pisikal na pagsusuri sa kargamento, natuklasang naglalaman ito ng limang pakete ng mga pinatuyong dahon at tangkay na tumitimbang ng 2.336 kilo, na hinihinalang kush. Mayroon itong street value na P3,737,600.

Ang mga sample ay nai-turn over na sa Philippine Drug Enforcement Agency para sa chemical laboratory analysis, na nagkumpirma na marijuana nga ang nasabat.

Magsasampa ang BOC ng kasong kriminal laban sa nahuling claimant dahil sa paglabag sa RA 9165. RNT