P3.95B badyet ng DHSUD aprub na sa Senate panel

P3.95B badyet ng DHSUD aprub na sa Senate panel

October 22, 2022 @ 8:26 AM 1 month ago


MANILA, Philippines – Inaprubahan na ng Senate subcommittee on finance nitong Biyernes, Oktubre 21 ang P3.952 bilyon na proposed budget ng Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) at kaugnay na ahensya nito, para sa susunod na taon.

Ayon kay Senador Risa Hontiveros na siyang nanguna sa pagdinig, ang proposed budget ng DHSUD ay maaari nang maipasa sa plenaryo.

Batay sa presentation ng ahensya, ang nauna nilang proposed budget ay P95.980 bilyon para sa susunod na taon ngunit P3.952 bilyon lamang ang inaprubahan sa ilalim ng 2023 National Expenditure Program (NEP).

Mas mababa ito ng 48% mula sa budget ng DHSUD ngayong taon na P7.613 bilyon.

Sa nasabing halaga, malaking bahagi nito ang mapupunta sa National Housing Authority (NHA) na may P2-bilyon, sinundan ng DHSUD sa P1.043 bilyon, nasa P500 milyon naman ang laan sa Social Housing Finance Corporation, at P409 milyon sa Human Settlements Adjudication Commission.

Nanawagan naman si DHSUD Secretary Jose Acuzar na dagdagan ang proposed budget upang matugunan ang housing backlog ng bansa.

Kasabay nito, humingi rin siya ng suporta para sa P36 bilyon interest subsidy kada taon para sa anim na milyong housing unit backlogs na makabubuo ng isang milyon na housing units kada taon.

Matatandaan nauna nang sinabi ng DHSUD na tututok sila sa pagtapos ng anim na milyong units na backlog sa pamamagitan ng konstruksyon ng isang milyong tirahan kada taon sa loob ng anim na taon.

Hinimok naman ni Hontiveros ang ahensya na maghanap ng implementation partnerships sa mga local government units at pribadong sektor upang masolusyunan ang underspending issues ng ahensya sa mga nagdaang taon.

“Maraming house cleaning at catchup na kailangan gawin. Please Secretary Acuzar and other DHSUD and key shelter agency officials, put the house in order. Paki-obligate lahat ng pondo na nanatiling unobligated at idisburse yung mga pondo na pwedeng idisburse,” ani Hontiveros.

“Humanap kayo ng implementation partnerships sa LGUs at pribadong sector para yung underspending ay maging thing of the past. Finally, the shelter agencies I think need to dialogue with the DBM para malaman ninyong lahat paano methodically magdevelop ng portfolio of projects na maiimmunize laban sa underspending,” dagdag niya.

Samantala, sinabi ni DHSUD Undersecretary Garry De Guzman na ang disbursements na gagawin ay nakapaloob sa implementing rules and regulations ng Balanced Housing Act to upang makaiwas sa anomalya at iba pang isyu.

“Ang very clear po yung instruction ni Secretary Acuzar na yung halimbawa po, yung disbursements made under the previous administration, we should see to it na kasama siya sa implementing rules and regulations establishing the Balanced Housing Act,” paliwanag ni De Guzman.

“Yung mga proposed MOA, yung mga kontrata na parang outside the menu of activities na allowed under the IRR, very clear po ang instruction ni Secretary, kukuha kami ng Commission on Audit (COA) opinion para po once and for all, malaman ano ba yung pwede, ano ba talaga yung pwede naming menu of activities under that program, para maiwasan natin ang paggastos nang hindi tama,” dagdag niya. RNT/JGC