P3 dagdag-singil sa dyip ihihirit

P3 dagdag-singil sa dyip ihihirit

October 12, 2021 @ 5:42 PM 5 days ago

  •  
  •  
  •  

MANILA, Philippines – Kasado na ang planong paghahain ng petisyon ng transport group para sa P3 dagdag pasahe sa Miyerkoles, Oktubre 13.

Sa kabilang banda, agad namang humingi ng pag-unawa ang Liga ng Transportasyon at Operators sa Pilipinas (LTOP) at iba pang grupo sa mga pasahero ukol sa kanilang ihihirit.

Giit ni LTOP president, Orlando Marquez Jr. na masama man ang loob nila sa paghahain ng taas-pamasahe ay kakaonti lang sa kanilang hanay ang nakatikim ng ayuda sa gobyerno kaya nakararanas pa rin sila ng matinding kahirapan sa gitna ng pandemya.

“Masama ang loob naming mag-file nito kaya lang wala na kaming uurungan dahil matagal na kaming humihingi ng tulong sa ating gobyerno lalo na sa LTFRB, sa DSWD, dahil ilan-ilan lang ang nakatikim doon sa ayuda ng DSWD sa amin kaya kami talagang hirap na hirap na at ang daming namamalimos naming mga kasamahan at talagang napakataas na po yung fuel,” pahayag pa ni Marquez.

Giit pa ni Marquez na may mga inihain na silang mga alternatibong paraan sa gobyerno para maiwasan ang dagdag-singil, pero hindi umano sila pinakikinggan.

“Kaya ito po humihingi kami ng pasensiya, paumanhin, pag-unawa sa ating mga kababayan, ito na po ang aming napag-usapan naipa-file na namin bukas ang aming kahilingan dahil wala naman po kaming mahintay na tawag sa ating kinauukulan,” dagdag pa ni Marquez.

Kapag naipasa, ang kasalukuyang P9 na minimum fare sa dyip ay magiging P12 na. RNT


  •  
  •  
  •