P3,000 ayuda sa PUV drivers sa loob ng 5 buwan, iminungkahi ni Gatchalian

P3,000 ayuda sa PUV drivers sa loob ng 5 buwan, iminungkahi ni Gatchalian

June 22, 2022 @ 5:43 PM 1 week ago


MANILA, Philippines – Iminungkahi ni re-elected Senator Sherwin Gatchalian na itaas ang ayuda ng mga public utility vehicle drivers sa P3,000 sa loob ng limang buwan.

Ginawa ng mambabatas ang mungkahi kasabay ng pahayag na dapat maging “last resort” ang pagsususpinde sa fuel excise tax sa pagtugon sa mataas na presyo ng mga produktong petrolyo.

“The immediate solution is to expand the Pantawid Pasada. Ang proposal ko, P3,000 a month for the next five months. That will cost us about 4 billion pesos,” saad ni Gatchalian.

Dagdag niya, ang panukalang P3,000 ayuda ay ibibigay sa mga tsuper ng jeep, bus, UV Express, at taxi habang ang mga tricycle drivers ay maaaring makatanggap ng P1,000 financial aid.

Muli ring iginiit ni Gatchalian na mas malaki ang kitang mawawala sa gobyerno kung aalisin ang excise tax sa oil products na posibleng umabot sa P150 billion.

Habang itinutulak niya ang pagpapataas sa ayuda, umapela rin ang senador sa mga PUV drivers na ayusin agad ang kanilang mga dokumento para masigurong mapapabilis ang distribusyon ng Pantawid Pasada Program.

“When we allocate funds, hopefully, in one week mabibigay na lahat kasi ang importante may card na ‘yung mga drivers natin,” aniya pa.

Samantala, ayon pa kay Gatchalian, maaaring kunin ang karagdagang pondo para sa Pantawid Pamilya Program mula sa mga unobligated funds sa ilalim ng LTFRB at ng Department of Transportation.

Kung kapusin pa rin, maaari rin naman aniyang magpasa ang Kongreso ng supplemental budget para pondohan ang ayuda para sa mga PUV drivers. RNT/ JCM