P300K marijuana, baril nasamsam sa buy-bust sa Navota; 2 nabitag

P300K marijuana, baril nasamsam sa buy-bust sa Navota; 2 nabitag

July 24, 2022 @ 12:06 PM 3 weeks ago


MANILA, Philippines- Isinelda ang dalawang drug personalities matapos makuhanan ng nasa P.3 milyon halaga ng marijuana at baril nang maaresto sa isinagawang buy-bust operation ng pulisya sa Navotas City, kamakalawa ng gabi.

Kinilala ni Navotas police chief Col. Dexter Ollaging ang naarestong mga suspek bilang sina Joselito Santos alyas “Ute, 41, (pusher/listed), pedicab driver ng Brgy., San Jose at Jerrie Lerona alyas “Okra”, 39, (user/listed), fisherman ng Brgy. Tangos North.

Ayon kay Col. Ollaging, dakong alas-11:50 ng gabi nang magsagawa ang mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) sa pangunguna ni PLT Luis Rufo Jr, ng buy-bust operation sa Bagong Silang St., Brgy., San Jose matapos ang natanggap na impormasyon hinggil sa pagbebenta ng droga ni Santos kung saan isang undercover police ang nagawang makipagtransaksyon sa kanya ng P13,000 halaga ng droga.

Matapos tanggapin ang marked money mula sa poseur-buyer kapalit ng isang large brick ng marijuana ay agad sinunggaban ng mga operatiba si Santos, kasama si Lerona na nakuhanan ng baril at isang medium transparent plastic sachet ng hinihinalang marijuana.

Narekober sa mga suspek ang humigi’t kumulang 2.5 kilograms ng hinihinalang pinatuyong dahon ng marijuana na may standard drug price P300,000, buy-bust money na isang tunay na P1,000 bill at 12 pirasong P1,000 boodle money, backpack, bisikleta, sling bag at isang revolver na may apat na bala.

Nahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa RA 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002) habang karagdagan kasong paglabag sa RA10591 (Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act) (Gunban) ang kakaharapin ni Lerona. Boysan Buenaventura