P300K reward sa ikadarakip sa NPA hitman

P300K reward sa ikadarakip sa NPA hitman

September 18, 2022 @ 1:42 PM 2 weeks ago


BACOLOD CITY –UMAKYAT na sa P300,000 ang pabuya sa sinumang makahuli sa hitman na kasapi ng New People’s Army (NPA) na responsable sa nagaganap na patayan sa Negros Occidental.

Ayon sa pahayag ng 79th Infantry Battalion (79IB) Philippine Army nitong Linggo nadagdagan ng P200,000 ang pabuya laban kay New People’s Army (NPA) hitman Roger Fabillar, 31, na may alyas “Arnel Tapang” at “Jhong”, na dating P100,000.00.

Sinabi naman ni Lt. Col. J-jay Javines, commanding officer ng 79IB , na kahit anong impormasyon na makakatulong sa pagkakadakip kay alyas Jhong ay makukuha ang nasabing reward money naibibigay ng lokal na pamahalaan.

Nauna nang sinabi ni Javines na nagsasagawa si Fabillar ng mga espesyal na operasyon para sa mga labi ng nabuwag na NPA Northern Negros Front.

Kaugnay nito, nagpakalat na rin nitong Sabado, ang mga tropa ng 79IB ng mga “wanted” na leaflet na naglalaman ng impormasyon tungkol kay Fabillar sa mga malalayong nayon ng bayan ng Calatrava upang humingi ng tulong sa komunidad para sa kanyang agarang pag-aresto.

“I encourage everyone to continuously support our campaign against the terrorist group. Your information and cooperation are vital to us,” ani Javines.

Matatandaan nitong nakalipas na buwan ng Agosto, pinatay ng grupo ni Fabillar ang tatlong opisyal ng lokal na pamahalaan ng Calatrava at isa na rito si Barangay Chairman Benjamin Javoc ng Barangay Lalong, na pinatay sa labas ng kanyang bahay madaling araw ng Agosto 26.

Ilang araw ang nakalipas, nagsampa ng kasong murder ang Calatrava Municipal Police Station laban sa pitong miyembro ng Communist Party of the Philippines-New People’s Army (CPP-NPA) dahil sa karumal dumal na pagpatay kay Javoc./Mary Anne Sapico