P300M inilaan sa pagtatayo ng bagong tulay sa Antique – Loren

P300M inilaan sa pagtatayo ng bagong tulay sa Antique – Loren

November 14, 2022 @ 6:00 PM 3 weeks ago


MANILA, Philippines- Naglaan ang Senado ng halagang P300 milyon sa pagtatayo ng bagong tulay sa Antique matapos bumagsak ang malaking bahagi ng Paliwan bridge sa lalawigan sanhi ng pananalasa ng bagyong Paeng, ayon kay Senate President Pro-Tempore Loren Legarda.

Sa pahayag, sinabi ni Legarda, inilaan ang naturang halaga sa naganap ng Senate amendments sa panukalang 2023 national budget na kasalukuyang tinatalakay sa plenaryo.

“Pinangako ko, na nagawa ko na ngayon habang pinag-uusapan ang budget, maglaan ng P300 million para amendment sa DPWH (Department of Public Works and Highway) Region 6 para sa isang bagong tulay,” Legarda said on DWIZ over the weekend.

Sinabi ni Legarda na hiwala ang naturang pondo sa pagtatayo ng bagong tulay sa badyet na inilaan sa taong ito para sa retrofitting at reconstructions ng lumang tulay sa kanyang hometown province.

Bago pa man salantain ng bagyong Paeng ang ilang bahagi ng bandsa, ginagawa na ang retrofitting at reconstruction ng isang lumang tulay na nagdudugtong sa bayan ng Bugasong at Laua-an, ayon kay Legarda.

“Habang ginagawa ang retrofitting sa ibang parte, nagkaroon ng Paeng, nag collapsed naman sa ibang lugar kaya buti na lang may pondo sa retrofitting at may Quick Response Fund na ginagamit po ngayon sa reconstruction,” paliwanag niya.

“Pero kailangan hindi lang retrofitting, hindi lang reconstruction kailangang bago, kaya yun po ang aking inilagay sa budget amendment ng Senado po dahil wala po yan sa NEP (National Expenditure Program), wala yan sa original budget dahil wala pa namang bagyo nun, hindi pa naman nag collapse kaya tamang-tama hindi pa tapos ang budget kaya po yan ay nilalaan po natin,” giit pa ng senador.

Aniya, hindi lamang ang Paliwan bridge ang dapat suriin kundi maging lahat ng tulay sa buong bansa upang matiyak ang kaligtasan nito.

Kaya hiniling ni Legarda sa DPWH na magsagawa at gawing prayoridad ang risk assessment sa lahat ng tulay sa buong bansa. Ernie Reyes