P30M halaga ng pekeng paracetamol brands, iba pang gamot nasabat ng BOC

P30M halaga ng pekeng paracetamol brands, iba pang gamot nasabat ng BOC

January 11, 2022 @ 7:50 PM 7 months ago


MANILA, Philippines- Iniulat ng Bureau of Customs (BOC) nitong Martes na nasabat nito ang P30 milyong halaga ng pekeng bersyon ng popular na brands ng mga gamot.

Sinabi ng BOC na sa pakikipag-ugnayan nito sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), National Intelligence Coordinating Agency (NICA), Intelligence Service Armed Forces of the Philippines (ISAFP), at sa Philippine Coast Guard (PCG), nahuli nito ang mga pekeng gamot ng brands na Biogesic, Neozep, Bioflu, Immunpro, Ivermectin, Phenokinon F Injection, Medicol, Planax, Alaxan FR, MX3 at iba pa, noong Enero 5.

Ayon sa customs, nakasaad sa sertipikasyon mula sa Food and Drug Administration (FDA) at Unilab Pharmaceuticals, na peke umano ang mga nasabat na gamot.

Nakalagay umano ang counterfeit medicines sa mga kahon na may label na Chinese characters.

Batay sa ulat ng BOC, natagpuan ang mga gamot sa dalawang storage spaces sa 7434B at 7434C Highland St., Marcelo Green Village at 27 Pearl St., Severina Subdivision, Km 18, Brgy. Marcelo, sa Paranaque City.

Agad namang dinala ang suspek sa Paranaque City Prosecutors’ Office para sa inquest at haharap sa ilang kaso.

“We received reports about the presence of counterfeit items. It’s not just items, but medicines. We acted on this immediately because this can pose a health threat. They are selling these to unsuspecting people whose only hope is to buy authentic medicines for themselves and their loved ones,” ani Raniel Ramiro, Customs Deputy Commissioner ng Intelligence Group.

Agad ding inilagay sa BOC premises ang mga pekeng gamot, at kasalukuyang sumasailalim sa inspeksyon at imbentaryo, ayon sa Customs. RNT/SA