P33.1B ayuda sa mahihirap na pamilya hirit ng DOF

P33.1B ayuda sa mahihirap na pamilya hirit ng DOF

March 16, 2022 @ 11:00 AM 3 months ago


MANILA, Philippines- Ipinanukala ng Department of Finance (DOF) ang P33.1 bilyong halaga ng subsidiya para sa mahihirap na pamilyang Pilipino ngayong taon sa gitna ng sumirit na presyo ng produktong petrolyo.

Para sa nasabing departamento, ito ang “better alternative” sa pagsuspinde sa fuel taxes.

Sa Talk to the People ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte, Miyerkules ng umaga, sinabi ni Finance Secretary Carlos Dominguez III na ang unconditional cash transfer ay ibibigay sa “bottom 50 percent of all Filipino households.”

Aniya, may ilang 12 milyong mahihirap na pamilya ang makikinabang mula rito, ang bawat isa ay maaaring makakuha ng P2,400 ngayong taon.

Hindi naman nilinaw ng Kalihim sa kanyang presentasyon kung paano ipamamahagi ang ayuda.

“We realized that this is not enough but this is what we can afford as of this time. And to make sure that our finances, going forward and especially for the next administration are still going to be healthy, this I believe is what we can afford,” paliwanag ni Dominguez.

“Retain the fuel excise taxes imposed under TRAIN Law; provide targeted subsidies to the lowest 50 percent of the households in the Philippines,” dagdag na pahayag ni Dominguez.

Idinagdag pa ng Kalihim na may P6.1 bilyong piso ang inilaan para sa fuel subsidy at discount vouchers para sa mga transport drivers at magsasaka.

Nagpalabas naman ang pamahalaan ng P3 bilyong piso noong nakaraang linggo.

Ibig sabihin lamang ani Dominguez na ang panibagong tranche ng P2.5 billion para sa public utility drivers at P600 para sa mga magsasaka at mangingisda ay ipalalabas sa susunod na buwan. Kris Jose