P33K buwanang-sahod sa gov’t employees ipinanawagan

P33K buwanang-sahod sa gov’t employees ipinanawagan

November 23, 2022 @ 9:23 AM 7 days ago


MANILA, Philippines – Nanawagan ang ilang grupo nitong Martes, Nobyembre 22 na taasan ang minimum wage sa mga empleyado ng gobyerno sa P33,000 kada buwan.

Ito ay kasabay ng sunod-sunod na pagtaas sa presyo ng mga bilihin sa bansa, kung saan ibinase ang panukalang wage hike sa kamakailan ay inilabas na computation na ang isang pamilya na may limang miyembro ay kailangan ng P1,119 kada araw upang mamuhay ng komportable sa Metro Manila.

“Sinasabi maghigpit ng sinturon, ang totoo niyan matagal nang namamaluktot sa kumot wala nang kakapitang ang sinturon kahit na anong higpit mo. Malalaglag na yung pantalon mo dahil wala nang kinakapitan,” sinabi ni Public Services Labor Independent Confederation (PSLINK) President Annie Geron.

Sa kasalukuyan ay kumikita ng P12,517 kada buwan ang minimum wage earners sa gobyerno.

Inaasahang magkakaroon naman ng adjustment sa sahod ang mga empleyado sa fifth tranche ng Salary Standardization Law na pinirmahan ni dating Pangulong Rodrigo Duterte ngunit tataas lamang ito mahigit P13,000.

“Importante ‘yung pinakamababa ang may pinakamalaking increase. Di tulad ng mga nakaraang SSL. Ang pinakamataas na increase ay yung matataas na officials,” pahayag naman ni Bayan Muna Party-list Rep. Ferdinand Gaite.

“Hindi survivable ‘yung ganoon halaga. Sobrang liit sa mahal ng presyo ng pagkain, bilihin, upa sa bahay, kuryente, tubig at iba pa, hindi na aabot yan,” dagdag niya.

Sinang-ayunan naman ito ng Philippine Independent Public Sector Employees Association Managing at sinabing:

“Nakikiusap kami kay Pangulong Marcos, mag-immerse ka. Subukan mong mamuhay sa isa sa mga kasamahan namin sa publiko sektor na nage-earn ng P12,500 lang. Pag sinasabi mo na iba ka then you walk the talk”.

Pinag-aaralan naman ng Department of Budget and Management ang posibilidad ng dagdag-sahod sa mga manggagawa sa gobyerno sa susunod na taon.

“There’s the last tranche of SSL next year. We have likewise provided a budget under the GCG to review the compensation of government employees for a possible next round of salary increase,” ani DBM Secretary Amenah Pangandaman.