P33K buwanang sahod sa gov’t workers, ipinanawagan ng KMU

P33K buwanang sahod sa gov’t workers, ipinanawagan ng KMU

December 11, 2022 @ 8:52 AM 2 months ago


MANILA, Philippines – Ipinanawagan ng labor group na Kilusang Mayo Uno nitong Sabado, Disyembre 10 ang P33,000 na minimum monthly wage para sa mga empleyado ng gobyerno.

Tinaon ito ng KMU sa paggunita ng mundo sa ika-74 na anibersaryo ng Universal Declaration of Human Rights.

“Kami po ay tuloy-tuloy na magsusulong para itaas ang sahod sa pambansang minimum na sahod na nagkakahalaga ng P1,100. Naka-file po sa Congress ang House Bill 4898. Kamakailan lang po kasama naming nag-file ang mga manggagawa sa public sector, na nagkakahalaga ng P33,000 monthly,” ani KMU secretary general Jerome Adonis.

Idiniin ng grupo na ang “living wage” ay isang uri rin ng human rights, sabay sabing hindi ito epektibong naibibigay ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. kasabay ng patuloy na paglala ng krisis sa ekonomiya.

“Sinasabi ni Junior na ginagawa nila ang lahat ng kanilang makakaya, pero kung totoo iyon, bakit hindi itinataas ang sahod namin? Bakit hindi tinatanggal ang buwis sa mga batayang bilihin para mapababa man lang ang presyo?” pahayag ng KMU.

Sinupalpal din ng grupo ang ‘di-umano ay paglabag ng administrasyong Marcos sa usapin ng human rights.

Wala pang tugon ang Malakanyang kaugnay dito. RNT/JGC