P34M shabu nadiskubre sa Sulu

P34M shabu nadiskubre sa Sulu

March 9, 2023 @ 3:52 PM 2 weeks ago


MANILA, Philippines- Naaresto ng mga awtoridad ang isang babaeng suspek at nabuking ang P34 milyong hinihinalang crystal meth, o “shabu,” sa isang buy-bust operation na isinagawa sa lalawigan ng Sulu.

Nahuli ang suspek na si Morasang Nasang Jaiyari sa isang entrapment operation na inilunsad ng kapulisan, Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Sulu BARMM, at ng militar noong March 7 dakong alas-5 ng hapon, ayon sa Philippine National Police – Public Information Office (PNP-PIO) nitong Miyerkules.

Samantala, nakatakas ang kanyang kasabwat, isang nagngangalang Albasir, sa nasabing buy-bust operations.

Nasabat ng law enforcement team ang tinatayang 5.30 kilograms o walong sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P34,204,000, isang mobile phone, at isang sling bag.

Mahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002, habang dinala ng mga awtoridad ang nakumpiskang ebidensya sa PDEA Sulu BARMM para sa dokumentasyon at wastong disposisyon. RNT/SA