P350K halaga ng pekeng Chinese insecticide, nasabat ng NBI

P350K halaga ng pekeng Chinese insecticide, nasabat ng NBI

April 24, 2022 @ 8:23 AM 2 months ago


MANILA, Philippines – Nasa 2,000 piraso ng mga pekeng insecticide mula China ang nasamsam ng National Bureau of Investigation (NBI) sa Laguna at Batangas.

Ayon sa NBI, mas mabenta ang mga pekeng insecticide dahil halos kalahati lamang ang presyo nito kumpara sa totoong produkto.

Pero babala ng awtoridad, mas mapanganib ito sa kalusugan ng mga konsyumer.

“Ito po kasing mga fake products ay hindi natin mapo-prove kung meron talaga itong efficacy at saka yung quality nito kung talagang mabisa ito para pamatay ng insekto or baka naman kasi yung laman nito sobra sobra yung chemicals so nakakasama sa gagamit nito,” paliwanag ni NBI Intellectual Property Rights Division head Glenn Ricarte.

Nagkakahalaga ng P350,000 ang mga nasabat na pekeng insecticide.

Hihingi ang NBI ng permiso sa korte para agad na masira ang mga nasabing produkto para maiwasang malagay sa peligro ang mga mamimili.

“Ito ay sasampahan natin ng paglabag sa trademark infringement kasi Ito hazardous substance kailangan nating protektahan ang mga mamimili.Para lahat ng binibenta sa market ay dumaan sa Food and Drug Administration (FDA),”, ani Ricarte.

Samantala, walang suspek ang naaresto sa nasabing operasyon. Jocelyn Tabangcura-Domenden