P363M pinsala sa mga paaralan iniwan ng shear line, LPA sa Mindanao – DepEd

P363M pinsala sa mga paaralan iniwan ng shear line, LPA sa Mindanao – DepEd

January 2, 2023 @ 6:38 PM 1 month ago


MANILA, Philippines – Umabot sa mahigit P363 milyon halaga ng pinsala ang naitala sa ilang mga paaralan sa Mindanao dulot ng mga pag-ulan at baha na dala ng shear line at low pressure area.

Ito ang sinabi ng Department of Education (DepEd) nitong Lunes, Enero 2 kung saan batay sa education cluster report hanggang nitong Disyembre 30, 36 na paaralan sa Zamboanga Peninsula, Northern Mindanao at Caraga ang nagtamo ng pinsala sa istruktura.

Dalawamput-lima sa mga paaralang ito ang mula sa Northern Mindanao, 10 sa Caraga at isa sa Zamboanga Peninsula.

Aabutin naman ng tinatayang P363.50 milyon ang kakailanganin para sa pagpapaayos at reconstruction ng mga nasirang pasilidad ayon sa DepEd.

Sa kabila nito, wala namang estudyante ang naiulat na namatay o nawawala sa matinding pagbaha sa ilang lugar sa Visayas at Mindanao.

“On the part of DepEd, we will be providing response interventions to affected schools, learners and personnel,” pagbabahagi ni DepEd spokesperson Michael Poa. RNT/JGC