P36K multa sa may COVID-19 na ‘di mag-uulat

P36K multa sa may COVID-19 na ‘di mag-uulat

January 14, 2022 @ 5:13 PM 1 week ago


SYDNEY, AUSTRALIA – Pinagmumulta na ng pamahalaang Australia, lalo na sa New South Wales state, ang sinomang tinamaan ng coronavirus disease-19 na mabigo o ayaw iulat sa mga awtoridad ang kanilang pagkakasakit.

Nagkakahalaga ng 1,000 Australian dollars ang multa o halos P36,000 sa Pilipinas.

Ginawa ang patakarang sariling pag-uulat na dumaan sa rapid antigen test makaraang kapusin ang Australia ng reverse transcription polymerase chain reaction.

Sinasabing “out of control” na sa bansang ito ang paglaganap ng COVID-19 na dulot ng Omicron variant.

Apektado na rin ang suplay ng pagkain na ibinebenta sa mga tindahan o mall dahil 20-50 porsyento sa mga obrero ng mga supplier ang nagkakasakit.

Kaya naman nagsasara na maging ang mga tindahan ng pagkain at darami pa umano sa mga ito ang isasara kung magpapatuloy ang paglaganap ng mga maysakit na bahagi ng suplay chain ng mga batayang pangangailangan.

Bilang bahagi sa mga paraan upang mapigilan ang krisis sa sistemang pangkalusugan at suplay ng mga batayang pangangailangan, pinapapasok na sa trabaho ang mga close contact ng mga nagpopositibo sa COVID-19 makaraang dumaan ang mga ito sa rapid antigen tests.

Binatikos naman ito ng mga obrero sa pagsasabing hindi sila libre sa nasabing test at kailangang balikatin ito ng mga kompanya o indibiduwal na gustong magtrabaho.

Isa pa, kung hindi umano hihiwalay sa iba o mag-isolate ang mga close contact, lalo umanong lalala ang paglaganap ng pandemya. RNT