P377K shabu, baril nasabat sa Malabon buy-bust

P377K shabu, baril nasabat sa Malabon buy-bust

July 12, 2022 @ 3:22 PM 4 weeks ago


MANILA, Philippines- Swak sa kulungan ang isang bagong identified drug personality matapos makuhanan ng halos P.4 milyon halaga ng shabu at isang baril sa isinagawang buy-bust operation ng pulisya sa Malabon City, kahapon ng madaling araw.

Kinilala ni Malabon police chief Col. Albert Barot ang naarstong suspek na si Seigred Citco, 42 ng P. Concepcion St., Brgy. Tugatog ng lungsod.

Ayon kay Col. Barot, dakong ala-1:20 ng madaling araw nang magsagawa ang mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) sa ilalim ng pangangasiwa ni PLt. Alexander Dela Cruz ng buy-bust operation sa Dr. Lascano St., Brgy. Tugatog matapos ang natanggap na impormasyon na nagbebenta umano ng shabu ang suspek.

Isang undecover police ang nagawang makipagtransaksyon sa suspek ng P4,500 halaga ng droga at nang tanggapin ni Citco ang marked money mula sa police poseur buyer kapalit ng isang transparent plastic sachet ng shabu ay agad siyang dinamba ng mga operatiba.

Nakumpiska sa suspek ang 11 pirasong heat-sealed transparent plastic sachets na naglalaman ng aabot 55.5 gramo ng hinihinalang shabu na may Standard Drug Price Php 377, 400, buy-bust money na isang tunay na P500 bill at walong pirasong P500 boodle money at isang cal. 38 revolver na may tatlong bala.

Ani PSSg Jerry Basungit, nahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa RA 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002 at RA 10591 (Comprehensive Law on Firearms and Ammunition). Boysan Buenaventura