P3B supplemental budget ihihirit para sa BSKE

P3B supplemental budget ihihirit para sa BSKE

January 23, 2023 @ 5:46 PM 2 weeks ago


MANILA, Philippines – Inaasahang mas maraming bagong botante ang mgpaparehistro bago matapos ang deadline ngayong buwan.

Dahil dito, sinabi ni Comelec Chairman George Garcia na hihilingin nila sa Kongreso ang hindi bababa sa P3 bilyon na supplemental budget para pondohan ang mga karagdagang gastos ng poll body para sa pagsasagawa ng BSKE.

“Based on our estimate, we will be able to register at least 1.3 to 1.5 million, maybe we’ll be asking an amount of at least P3 billion for the additional expenses that we’ll be incurring,” sabi ni Garcia.

Sinabi ni Garcia na umaasa siyang makakahingi ang Comelec ng karagdagang budget sa ikalawa o ikatlong linggo ng Pebrero kapag natapos na ang voter registration.

Para sa dapat sana’y 2022 BSKE, binigyan ang Comelec ng P8.4 bilyon.

Kahit na inilipat ang BSKE sa 2023, sinabi ni Garcia na ang P3 bilyong supplemental budget ay bumaba na sa dating P10 bilyong karagdagang budget na hiniling nito sa Kongreso.

Dagdag pa ni Garcia na kung aaprubahan ang supplemental budget na ito, ito rin ang magpopondo sa posibleng pagtaas ng honoraria para sa mga guro na magbibigay ng serbisyo para sa 2023 BSKE ng P2,000 bawat isa.

Inihayag ni Garcia noong Sabado, Enero 21 na walang dagdag sa honoraria ng guro dahil hindi nabigyan ng karagdagang budget ang poll body para sa mga naturang bagay.

Ang Electoral Board chairmen ay tatanggap ng P6,000; P5,000 para sa mga miyembro ng Electoral Board; at P4,000 para sa mga manggagawa sa presinto, ayon kay Garcia.

Dagdag pa, ang pag-imprenta ng 91 milyong balota para sa 2023 BSKE, kasama ang kanilang beripikasyon, ay inaasahang matatapos sa ikalawang linggo ng Pebrero.

Samantala, nakumpleto na ang proseso ng pagbili ng mga election paraphernalia. Jocelyn Tabangcura-Domenden