P3M halaga ng ismagel na sigarilyo, freezer van nasabat ng BOC sa Davao

P3M halaga ng ismagel na sigarilyo, freezer van nasabat ng BOC sa Davao

November 9, 2022 @ 2:27 PM 3 weeks ago


MANILA, Philippines – Tinatayang nasa P3 milyon halaga ng mga ismagel na sigarilyo at freezer van ang nakumpiska ng mga tauhan ng Bureau of Customs (BOC) Port of Davao sa isinagawang operasyon sa Davao City.

Ayon sa BOC, nagsagawa ng checkpoint operation ang mga tauhan ng BOC-Port of Davao katuwang ang Armed Forces of the Philippines at Philippine National Police sa Sirawan, Toril, Davao City nitong Oktubre 31 kung saan naharang nila ang nasa 4,250 reams ng mga ipinagbabawal na sigarilyo na nagkakahalaga ng P2.45 milyon at isang Hyundai Porter Freezer Van.

Ang mga nakumpiskang gamit ay kasalukuyang nasa kustodiya ng BOC habang ang mga suspek ay nasa kustodiya ng PNP, Region Office 11. Sasampahan ng BOC ng kaso ang mga suspek sa pagpupuslit ng ipinagbabawal na sigarilyo (Section 1138 ng CMTA).

Nag-isyu naman ng Warrant of Seizure and Detention si BOC Davao District Collector Atty. Erastus Sandino B. Austria laban sa mga nasabing kontrabando dahil sa paglabag sa Section 1113 na may kaugnayan sa Section 117 at Section 400 ng Republic Act No. 10863 o mas kilala na Customs Modernization and Tariff Act (CMTA).

“The BOC-Davao would continue its campaign against smuggling imported goods into the country in line with Customs Commissioner Yogi Filemon Ruiz’s priority programs to bring to international standards BOC’s primary mandate of revenue collection, border protection, and trade facilitation,” saad ng BOC. JAY Reyes