P4.3-B halaga ng shabu, nasabat sa Manila Port

P4.3-B halaga ng shabu, nasabat sa Manila Port

August 7, 2018 @ 9:07 PM 4 years ago


 

Manila, Philippines – Umaabot sa P4.3 bilyon ang halaga ng 500 kilong shabu na nasabat ng pinagsanib na puwersa ng Bureau of Customs at Philippine Drug Enforcement Agency kaninang hapon sa Manila International Container Port (MICP).

Sa ginanap na press conference, kinumpirma ni Commissioner Isidro Lapeña na ito na ang pinakamalaking shipment ng shabu ngayong taon.

Ayon kay Lapeña, dumating sa MICP ang 20 footer container van noong June 28, 2018 subalit nakalipas ng 30 araw ay hindi pa rin ito kini-claim ng consignee na Vecaba Trading International at sa pangalang Vedazio Cabral Baraquel ng Galicia St., Sampaloc, Manila.

Nabatid na mga “door frame” umano ang nakadeklara ngunit ito ay dalawang magnetic scrap lifter na naglalaman ng nasabing kontrabando.

 

Ang nasabing consignee ay hindi umano accredited ng BOC at hindi rin dumaan sa Customs clearance kaya posible umanong tinangkang ipuslit sa tulong na rin ng ilang customs official sa loob at labas ng BOC.

Gayunman, dahil hindi umano nakahanap ng pagkakataon na ilabas ang kobtrabando ay inabandona na lamang ito.

Ayon pa kay Lapeña, magsasagawa ang BOC ng follow up investigation dahil aniya posibleng ginawang transshipment lamang ang Malaysia at galing pa ng ibang bansa ang nasabat na kilo-kilong shabu.

Binalaan naman ni Lapeña ang mga drug syndicate na tumigil na dahil hindi aniya sila titigil na tuntunin at alamin ang kanilang mga pagkakilanlan. (Jocelyn Tabangcura-Domenden)