P4.5B confidential, intelligence fund sa OP, gamitin sa food production – Pimentel

P4.5B confidential, intelligence fund sa OP, gamitin sa food production – Pimentel

October 2, 2022 @ 4:22 PM 2 months ago


MANILA, Philippines – Inihayag ni Senate Minority Leader Aquilino “Koko” Pimentel III ngayong Linggo, Oktubre 2 na kung maaari ay gamitin na lamang sa pagpapaunlad ng food production ng bansa ang proposed P4.5 bilyon confidential at intelligence funds ng Office of the President (OP).

Ito ang sinabi ng Senador sa panayam ng DZBB na ayon sa kanya, pabor siya sa sinabi ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na kailangan solusyunan ang food production problem sa bansa, at gayon, kailangan rin ng budget para rito.

“Ang general concern natin magtipid na tayo at pati iyang mga patapon na gastos natin ay inuutang natin. Naghihirap na ang taumbayan ilagay natin ang pera natin sa mga gastusin na directly sinasagot ang pang-araw-araw na problema ng taumbayan, ang pagkain,” ani Pimentel.

“Ang focus naman ng Marcos’ administration ay agriculture unlike the past administration sa kanya ay law and order na drug problem pa. So pwede nga niyang i-justify na kailangan kong law enforcement at intel. Eh ito agriculture, ibuhos na lang natin lahat. And I agree that’s the correct focus, ang pagkain. Ibuhos na lang natin not on intelligence expenses but on food,” dagdag niya.

Sa ilalim ng 2023 National Expenditure Program (NEP) mayroong proposed P9,031,722,000 budget ang opisina ng Pangulo sa operasyon sa susunod na taon.

Sa nabanggit na bilang, P2.25 bilyon ay mapupunta sa intelligence funds samantala P2.25 naman ang plano para sa confidential expenses.

Batay sa NEP, ang intelligence expenses ay ang mga aktibidad na may kaugnayan sa intelligence information gathering activities ng mga uniformed at military personnel o mga intelligence practitioners na may direktang epekto sa seguridad ng bansa.

Ang confidential expenses naman ay mga aktibidad na may kinalaman sa pagsisiyasat at pagbabantay o surveillance.

Bago rito, matatandaan na nauna nang sinabi ni
Press Secretary Trixie Cruz-Angeles na inaalam na ng pamahalaan ang mga dahilan kung bakit naaapektuhan ang food security ng bansa. RNT/JGC