P4.6M ‘shabu’ nakumpiska sa 2 suspek

P4.6M ‘shabu’ nakumpiska sa 2 suspek

September 24, 2022 @ 3:45 PM 2 months ago


BACOLOD CITY – Umabot sa P4.59 milyong halaga ng shabu ang nakumpiska ng mga tauhan ng Bacolod City Police Office (BCPO) City Drug Enforcement Unit (CDEU) sa isinagawang buy-bust operation kung saan nadakip ang dalawang suspek kaninang madaling-araw sa lungsod na ito.

Kinilala ang mga suspek na sina Anthony “Tiboy” Solon, 38, ng Purok Riverside, Barangay Bata, at Erwin “Boy” Belonio, 34, ng Zone 11, Barangay Handumanan ng naturang lungsod.

Ayon kay Lt. Joven Mogato, hepe ng CDEU, dakong alas-12:30 ng madaling araw nadakip ang mga suspek sa Barangay Bata, ng nabanggit na lungsod at kapwa nasa high-value individuals.

Sa isinagawang operasyon nakabili ang operatiba ng pakete ng shabu sa mga suspek na nagkakahalaga ng P3,000 sa bahay ni Solon.

Agad na pinosasan ng mga awtoridad ang mga suspek at nakuha pa sa mga suspek ang 6 na bag at 10 pakete na naglalaman ng mga hinihinalang shabu.

Ang mga nakumpiskang shabu ay may bigat na 675 gramo at nagkakahalaga ng P6,800 kada grami na may kabuuan halagang P4.59 milyon.

Sinampahan na ng kasong paglabag sa Republic Act 9165 or the Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang mga suspek. Mary Anne Sapico