P4.7M shabu nakumpiska sa 3 durugista

P4.7M shabu nakumpiska sa 3 durugista

November 25, 2022 @ 11:54 AM 2 days ago


CEBU CITY- ARESTADO ang tatlong hinihinalang tulak ng ilegal na droga matapos makuhanan ng higit 700 gramo ng shabu sa isinagawang buy-bust operation ng mga awtoridad kagabi sa lungsod na ito.

Kinilala ang mga nadakip na suspek na sina Joselito Tabalino, 38, residente sa Barangay Buhisan; Charles Bacalla, 28; at Danny Montemor, 19, kapwa taga Barangay Tisa, Cebu City.

Base sa report ng Regional Drug Enforcement Unit sa Police Regional Office, Central Visayas, inilatag ang operasyon laban sa mga suspek Huwebes ng gabi sa Barangay Buhisan, Cebu.

Sa isinagawang operasyon, nagpanggap na bibili ng shabu ang isa sa mga operatiba at ng magpositibo agad na pinalibutan ng mga pulis ang mga suspek at pinosasan ang mga ito.

Nakuha sa mga suspek ang malalaking pakete na naglalaman ng hinihinalang shabu at aabot sa halagang P4.7 milyon.

Nahaharap ngayon sa kasong paglabag sa illegal drugs ang mga suspek./Mary Anne Sapico