P40-50M maintenance funds ng BNPP, ilaan sa economic programs – Hontiveros

P40-50M maintenance funds ng BNPP, ilaan sa economic programs – Hontiveros

November 11, 2022 @ 6:42 PM 3 weeks ago


MANILA, Philippines – Isinusulong ngayon ni Senador Risa Hontiveros ang paglilipat ng P40 hanggang P50 milyong maintenance funds ng Bataan Nuclear Power Plant’s (BNPP) tungo sa ilang economic programs.

“Radioactive waste will outlive not just all of us alive today but also the succeeding generations. It can prove fatal and cost people’s lives for thousands of years. Dahil hindi pa tayo makakampante sa ligtas na paggamit ng nuclear energy, dapat buksan na rin ang diskusyon kung may halaga pa ba sa bansa ang BNPP,” ayon kay Hontiveros nitong Biyernes, Nobyembre 11.

“We have to weigh our options carefully. Klaro na hindi tayo magiging handa na buhayin ang BNPP. Kaya kung anumang ginagastos natin para sa maintenance niya, dapat munang ituon na ito sa mga programang makakalutas sa ating krisis sa ekonomiya,” giit pa niya.

Matagal nang naging kontrobersiyal ang BNPP dahil nakatayo ito sa ituktok ng Mt. Natib kaya malaki ang posibilidad na mawasak ito sanhi ng lindol at potensiyal na pagsabog ng bulkan.

Sinabi ni Hontiveros na base sa ulat ng VERA Files, nagbayad ang pamahalaan ng P64.7 bilyon noon upang maipatayo ang BNPP na hindi nagamit sa simula pa lamang.

Gumagastos ang pamahalaan ng halagang aabot mula P40 hanggang P50 milyon kada taon para sa maintenance ng plantang hindi nagamit kahit kailan.

“Kaban ng bayan ang ginagastos para sa plantang hindi naman ginagamit at dapat hindi na gamitin dahil sa mga panganib na dala ng nuclear waste,” aniya.

“Sa taas ng mga presyo ng bilihin at sa kawalan ng disenteng trabaho, common sense naman na dapat ang milyon-milyong piso na ito ay napupunta sa pagpapagaan ng buhay ng Pilipino,” giit pa ni Hontiveros.

Inihayag ng ilang siyentipiko na kahit kailan, hindi malulutas sa pagpapatakbo ng BNPP ang krisis sa enerhiya ng bansa taliwas sa paniniwala ng Palasyo. Ernie Reyes