P408M shabu nakumpiska

P408M shabu nakumpiska

September 15, 2022 @ 9:48 AM 3 weeks ago


PAMPANGA- Nakumpiska ang higit sa P408 milyong halaga ng shabu mula sa dalawang suspek sa isinagawang buy-bust operation ng mga awtoridad, Miyerkules sa Mexico Pampanga.

Nadakip ng pinagsamang pwersa ng Philippine National Police-Drug Enforcement Group’s Special Operations Unit- National Capital Region (PNP-DEG-SOU-NCR), ang mga suspek na sina Wenjie Chen, 45, residente ng Gerona, Tarlac at Sy Yan Qing, 42, residente ng Angeles City.

Batay sa report ng pulisya, dakong ala-1:45 ng hapon inilatag ang operasyon laban sa mga suspek sa gasolinahan sa North Luzon Expressway ng nasabing bayan.

Nakabili ang operatiba mula sa mga suspek ng 5 kilo ng hinihinalang shabu na nakalagay sa vacuum-sealed plastic Chinese tea bags gamit ang 5 pirasong tig P1,000 marked money at pinatungan ng play money.

Ayon kay Lt. Col. Arnulfo Ibanez, officer-in-charge ng SOU-NCR, ang nabiling shabu ay umabot sa halagang P34,000,000 habang nakuha pa sa mga suspek ang 55 pirasong Chinese tea bags na naglalaman ng pinaniniwalaan shabu na aabot sa halagang P374,000,000 at pati ang kanilang sasakyan dinala sa himpilan ng pulisya.

“The arrested persons are cohorts of “subjects” listed under Coplan Apocalypto “who are notorious in distributing volumes of illegal drugs in the areas of Metro Manila, Regions 3, and 4A.” ani pa ng SOU-NCR.

Ang mga suspek ay dinala sa tanggapan ng Camp Bagong Diwa, Taguig City para sa dokumentasyon at tamang disposisyon. Mary Anne Sapico