P40M ibinigay ng DA sa Albay para sa abaca rehab

P40M ibinigay ng DA sa Albay para sa abaca rehab

December 15, 2022 @ 9:36 AM 2 months ago


LEGAZPI CITY – PINAGKALOOBAN ng Department of Agriculture (DA) ng halagang P 40 milyon ang pamahalaang panlalawigan ng Albay para Abaca Rehabilitation program.

Personal na inabot ni DA Bicol regional executive director Rodel Tornilla kay Albay Governor Edcel Greco Lagman ang nasabing pondo para sa abaca rehabilitation program noong Martes, ito ay para makatulong sa pagbuhay sa mga plantasyon ng abaka na napinsala ng Bagyong Quinta, Rolly at Ulysses noong 2020.

Sinabi ni Lagman na ang Bicol Region ang numero unong supplier sa bansa ng abaca na pangalawang permanenteng pananim sa rehiyon, kasunod ng niyog.

“Ang abaca fibercraft ay isang kalakal na magbubukas ng mga pintuan para sa mga lokal na negosyante. Ito rin ang pangalawang pinagkukunan ng kita ng mga magsasaka sa lalawigan ng Albay. Ang agrikultura ay ang driver ng ating ekonomiya. Ang pagiging isang haligi ng ekonomiya, instrumental sa pagsulong ng matatag na paglago ng ekonomiya, pag-unlad sa rehiyon at makakatulong ito sa pagsulong ng turismo,” aniya.

Dagdag pa ni Lagman, ang abaca ay isang high-value crop na iniregalo sa atin ng mga Bicolano at multi-purpose, kadalasang ginagamit para sa handicrafts, at para sa pananamit.

Pinasalamatan din ni Lagman ang mga tao at mga departamentong bumubuo ng abaca rehabilitation program na naglalayong palakasin ang agrikultura sa bansa.

Sa naturang programa higit sa 3,000 lokal na magsasaka ng abaka at 4,200 ektarya ng lupa ang makikinabang.

Ang mga materyales sa pagtatanim ng abaka, mga pataba at mga kemikal na gagamitin para sa programang rehabilitasyon ay bibilhin sa Enero 2023.

Ayon naman kay DA-5 information officer Lovella Guarin, ang nasabing pondo ay galing sa quick response fund ng DA para sa mga apektado ng kalamidad base na rin sa validated damages ng mga nakaraang bagyo na matiyagang minomonitor ng kanilang tanggapan at ng Central office./Mary Anne Sapico