P413 dagdag-sahod sa Region 10, inihirit!

P413 dagdag-sahod sa Region 10, inihirit!

March 29, 2022 @ 4:12 PM 3 months ago


CAGAYAN DE ORO CITY – Humirit ang isang labor group ng P413 na dagdag-sahod para sa mga manggagawa sa Region 10 o Northern Mindanao.

Sa harap na rin ito ng pagtaas ng presyo ng mga bilihin bunsod ng patuloy na pagsipa ng presyo ng petrolyo.

Alas-9:00 ng umaga ngayong Martes, Marso 29, pormal na naghain ng petisyon ang Trade Union Congress of the Philippines (TUCP) sa tanggapan ng Regional Tripartite Wages and Productivity Board (RTWPB) sa Cagayan de Oro City.

Pinangunahan ito ni TUCP President at TUCP Partylist Rep. Raymond Mendoza.

Mula sa kasalukuyang P365 daily minimum wage sa Region 10 ay hiniling nilang maitaas ito sa P778.

Ayon kay Mendoza, hindi na kinakaya ng kasalukuyang arawang sahod na maipambili ng masustansyang pagkain para sa bawat miyembro ng pamilya na nagreresulta ng mga problemang gaya ng malnutrisyon.

“Napapabilis ang paglawak ng malnutrition sa mga manggagawa at kanilang mga pamilya dahil napakababa na ng sahod,” ani Mendoza.

“Nalulunod na sa kahirapan at malnutrisyon ang mga manggagawa at pamilya. Dapat bilisan ng wage board ang paglabas ng wage increase order.”

Nabatid na tatlong taon na ang nakalipas nang huling magpatupad ng P27 na taas-sahod sa rehiyon. RNT/ JCM