P440B nakolekta ng gobyerno mula sa excise tax, import duties – DOF

P440B nakolekta ng gobyerno mula sa excise tax, import duties – DOF

June 8, 2022 @ 6:35 PM 3 weeks ago


MANILA, Philippines – Tinatayang nasa P440 billion na ang nakolekta ng gobyerno sa excise tax at import duties kabilang ang value added tax (VAT), mula sa mga produktong petrolyo hanggang noong May 2022.

Ito ay mula nang ipatupad ang fuel marking scheme tatlong taon na ang nakalilipas.

Base sa figures ng Department of Finance (DOF), mula September 4, 2019 hanggang May 26, 2022, umabot na sa P439.396 billion ang kabuuang duties at buwis na nakolekta ng Bureau of Customs (BOC) at excise tax na nakolekta naman ng Bureau of Internal Revenue (BIR) mula sa fuel imports.

Ang nasabing kita ay nakolekta mula sa 42.104 billion liters ng marked fuel.

Ang fuel marking program ay alinsunod sa Tax Reform for Acceleration and Inclusion o TRAIN Law na layong masawata ang oil smuggling sa bansa.

Kung maaalala, nanindigan ang gobyerno na hindi nito sususpendihin ang pagkolekta ng excise tax at VAT sa petroleum products sa kabila ng patuloy na pagsipa ng presyo ng langis.

Katwiran nito, nasa P117 billion ang kitang mawawala kung sususpendihin ang fuel excise tax na magagamit para pondohan ang mga programa at proyekto ng pamahalaan.

Samantala, ayon kay Finance Secretary Carlos Dominguez III, ang P147 billion na inaasahang makokolekta mula sa excise tax at VAT ng oil imports ngayong taon ay nakalaan na sa 2022 national budget.

Kaya giit pa ng Finance Department, kapag sinuspinde ang fuel taxes, magreresulta ito ng mas malaking fiscal gap na posibleng magtulak sa bansa na mangutang nang mangutang.

Nabatid na lumobo na sa P15.4 trillion ang utang ng Pilipinas na mas mataas ng P2.2 trillion sa projected na P13.2 trillion hanggang sa katapusan ng 2022. RNT/ JCM