P5.268T budget sa 2023, aprub na sa Senado

P5.268T budget sa 2023, aprub na sa Senado

November 23, 2022 @ 5:44 PM 1 week ago


MANILA, Philippines – Aprubado na sa ikatlo ang huling pagbasa ng Senado nitong Miyerkules, Nobyembre 23 ang P5.268 trilyon na national budget para sa 2023.

Nakatanggap ng 21 na boto pabor sa panukala na walang kumontra at walang abstention, halos isang linggo lamang ay aprubado na at tinapos na ang serye ng interpelasyon at debate sa proposed budget para sa lahat ng ahensya ng pamahalaan.

Ang 2023 General Appropriations Bill ay ipinasa sa ikalawa at ikatlong pagbasa sa magkaparehong araw na may ilang pag-amyenda makaraang ipakilala nina Senate Committee on Finance at Senate Minority Leader Aquilino “Koko” Pimentel III, Senators Risa Hontiveros at Jinggoy Estrada.

Dahil sa nauna nang sinertipikahan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang panukala na urgent, pinapayagan ang Senado na aprubahan ito sa ikalawa at ikatlong pagbasa sa magkaparehong araw.

Sinabi naman ni Senate Finance Committee Chairman Sonny Angara na magsisimula sa Biyernes, Nobyembre 25 ang bicameral conference committee meetings upang mapagkasunduan ang mga hindi tugmang probisyon na inilatag ng Kamara at Senado.

Ang mga naitalagang miyembro ng bicameral conference committee ay sina Angara, Senate President Pro Tempore Loren Legarda, Senators Pia Cayetano, Imee Marcos, Cynthia Villar, Mark Villar, Ronald dela Rosa, Sherwin Gatchalian, Bong Go, Risa Hontiveros, Nancy Binay, Grace Poe, Francis Tolentino, JV Ejercito, Alan Peter Cayetano, Francis Escudero, at Jinggoy Estrada. RNT/JGC