P5.268T nat’l budget pirmado na ni PBBM

P5.268T nat’l budget pirmado na ni PBBM

December 16, 2022 @ 2:48 PM 2 months ago


MANILA, Philippines – Pormal nang nilagdaan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. upang maging ganap na batas ang P5.268 trillion national budget para sa taong 2023.

Tinintahan ni Pangulong Marcos ang 2023 General Appropriations Act sa harap nina Vice President Sara Duterte, at ilang miyembro ng dalawang Kapulungan ng Kongreso kabilang sina Senate President Juan Miguel Zubiri at House Speaker Martin Romualdez sa Palasyo ng Malakanyang.

Kapuwa niratipikahan ng dalawang Kapulungan ng Kongreso ang bicameral version ng budget bill, na naglalayong isulong ang layunin ng administrasyon para sa economic recovery, noong Disyembre 5.

Ang national budget ay kinabibilangan ng P150-million confidential at intelligence fund para sa Department of Education (DepEd) sa pamumuno ni Vice President Sara Duterte at naglaan ng P500 milyong halaga ng confidential at intelligence funds sa ilalim ng Office of the Vice President (OVP).

Itinaas din ng bicameral conference committee ng Kongreso ang budget ng House of Representatives ng P12 bilyon.

“Bicam-approved 2023 budget realigned funding to increase allocations for State Universities and Colleges, DepEd, infrastructure projects including bike lanes and specialty hospitals across the country, Libreng Sakay program, fuel subsidy, emergency employment, Assistance to Individuals in Crisis, Quick Response Fund, Department of Justice, Department of Interior and Local Government, and the Supreme Court,” sabi ni Senate Finance Panel Chairperson Senador Sonny Angara.

Ibinalik din ng Kongreso ang P10 bilyon na badyet para sa National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) na tinapyasan ng P5 bilyon sa House version ng panukalang budget. Kris Jose