P5.7M halaga ng marijuana kumpiskado sa checkpoint

P5.7M halaga ng marijuana kumpiskado sa checkpoint

December 2, 2022 @ 12:19 PM 2 months ago


PASIL, Kalinga- HIGIT sa P5.7M halaga ng pinatuyong dahon ng marijuana ang nakumpiska ng mga awtoridad sa isang lalaki matapos maharang sa checkpoint iniulat kahapon sa bayang ito.

Kinilala ang nadakip na suspek na si Albert Dugwawi, 29, magsasaka at residente ng Pacac Agbanawag, Tabuk City, Kalinga.

Nakuha sa kulay puting toyota rush na may plate number na NFV-9982, na minamaneho ni Dugwawi ang 10 bricks ng dried marijuana leaves, stalk and fruiting top na nakabalot sa isang transparent plastic sachet na may bigat na 10,000 grams na may street value na P1.2M.

Narekober rin ang 3-tubula na naglalaman ng pinatuyong dahon ng marijuana at stalks may bigat na 3,000 grams at nagkakahalaga ng P360,000.00, 18 pirasong pinatuyong marijuana na ibinalot sa transparent plastic na nagkakahalaga naman ang P4.2M, isang piraso ng plastic naglalaman ng OR/CR, at mga resibo.

Batay sa report ng 2nd Company Kalinga Provincial First Mobile Company, nakatanggap sila ng impormasyon tungkol sa isang puting sasakyan na may kargang marijuana ang dadaan sa checkpoint sa bahagi ng Dinacan, Lubuagan, Kalinga.

Ilang minuto ang makalipas namataan ng pulisya at militar ang sasakyan kaya pinara nila ito para pahintuin subalit nilampasan lamang sila kaya agad ikinasa ang hot pursuit operation.

Nakita ng mga awtoridad ng sasakyan na inabandona sa kalsada ng sakop ng Pasil-Balbalan, Kalinga road at ng kanilang siyasatin nadiskubre nila ang mga kontrabando at tumakas ang suspek.

Hindi naman tumigil sa paghahanap ang mga awtoridad sa suspek at nahuli nila ito sa masukal na bahagi ng naturang lugar na nagkukubli kung saan iniwan ang sasakyan.

Patuloy naman ang ginawang imbestigasyon ng mga awtoridad para alamin ang kasabwat ni Dugwawi at nakatakdang sampahan ng kaukulang kaso./Mary Anne Sapico