P5.7M puslit na yosi nakumpiska

P5.7M puslit na yosi nakumpiska

October 15, 2022 @ 3:48 PM 2 months ago


ZAMBOANGA CITY –Umabot sa P5.7 milyong halaga ng puslit na sigarilyo ang naharang ng mga awtoridad sa dalawang suspek sa isinagawang anti-smuggling operation Sabado sa probinsya ng Zamboanga del Sur.

Kinilala ni Col. Richard Verceles, operations chief ng Area Police Command-Western Mindanao, ang mga suspek na sina Jefferson Amabao, 27, at Vicente Garcia, 32.

Ayon kay Verceles, katuwang ang 2nd Zamboanga del Sur Provincial Mobile Force Company (2ZDSPMFC) inilatag ang anti-smuggling operation matapos makatanggap ng report hindi sa mga kontrabando patungong Bayog, Zamboanga City.

Sa isinagawang checkpoint naharang ang mga suspek sakay ng delivery van sa Purok 6, Sitio Mara, Barangay Depase ng nasabing bayan.

Narekober sa loob ng sasakyan ang 164 cases ng iba’t ibang uri ng sigarilyo na aabot sa halagang P5.74 milyon at may kasama pa itong mga kahapon na daing na isda o tuyo.

Hiningan ng mga awtoridad sina Amabao at Garcia ng mga dokumento sa kanilang mga kargamento subalit wala silang maipakita.

Dadalhin sa Bureau of Customs ang mga suspek pati ang mga kontrabando at nakatakdang sampahan ng kaukulang kaso.

Sinabi ni Verceles na ikalawa na itong nakumpiskang mga puslit na sigarilyo sa loob ng isang linggo na ang una ay nitong Miyerkules sa Barangay Dimasangca, bayan ng Labangan.

Nakuha sa suspek na si Danilo Vidad, 32, sa loob ng kanyang sports utility vehicle ang 30 malaking kahon ng puslit na sigarilyo na aabot sa halagan P1.05 milyon. Mary Anne Sapico