P5.7M shabu na nakasiksik sa mga butones, nabuking ng BOC-Clark

P5.7M shabu na nakasiksik sa mga butones, nabuking ng BOC-Clark

February 27, 2023 @ 11:20 AM 1 month ago


MANILA, Philippines- Mahigit P5 milyong halaga ng Methamphetamine Hydrochloride o mas kilala na shabu ang natuklasan ng mga tauhan ng Bureau of Customs (BOC) Port of Clark sa isang kargamento na idineklara na naglalaman ng mga damit.

Ayon sa BOC, dumating ang kargamento noong Pebrero 14 mula sa Harare, Zimbabwe, at sumailalim sa K9 sniffing at x-ray scanning procedures. Sa isinagawang physical examination, ay nadiskubre ang nasa 838.6825 gramo ng mga puting kristal sa loob ng 255 na mga butones ng damit gayundin sa gilid ng kahon ng karton.

Kumuha ng mga sample at itinurn-over sa PDEA para sa chemical laboratory analysis kung saan kinumpirma na nagtataglay ito ng Methamphetamine Hydrochloride o Shabu na isang mapanganib na droga sa ilalim ng Republic Act (R.A.) No. 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Dahil dito, inisyuhan ni District Collector John Simon ng Warrant of Seizure and Detention ang nabanggit na kargamento dahil sa paglabag sa Sections 118 (g), 119 (d), at 1113 par. f, i & l (3 & 4) ng R.A. No. 10863 na may kaugnayan sa Section 4 of R.A. No. 9165. JAY Reyes