P5.7M shabu nasabat sa Maynila

P5.7M shabu nasabat sa Maynila

October 6, 2021 @ 7:04 AM 2 weeks ago

  •  
  •  
  •  

MANILA, Philippines – “ILANG tiwaling politiko, involved sa drugs.”

Ito ang pahayag ni Manila Mayor Isko Moreno Domagoso kasabay ng utos nito kay Manila Police District (MPD) Director P/BGen. Leo Francisco na magsagawa ng malalimang imbestigasyon kung may mga sangkot na politiko na nasa likod ng mga kumakalat na iligal na droga sa lungsod ng Maynila lalo na ngayong nalalapit na naman ang panahon ng halalan.

Ang pahayag ni Domagoso ay makaraang iprisinta nito ang pitong suspek, kabilang ang dalawang senior citizen, na naaresto sa isinagawang magkahiwalay na “buy-bust operation” ng MPD sa area ng Tondo at San Miguel sa lungsod ng Maynila.

Naunang isinagawa ang nasabing operasyon ng mga tauhan ng MPD-Station 14 (Barbosa) sa Marayag St., San Miguel, alas-8:30 ng gabi nitong Oktubre 4 na nagresulta sa pagkaka aresto kay Nasfira Abdulla, y Nassir, alyas “Lastrifa”, 67, ng 153 Marayag St.

Nakumpiska sa nasabing suspek ang nasa 735 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng P5,000,000.

Kasunod nito, isang buy-bust operation din ang ginawa ng mga tauhan ng MPD-Station 7 (Jose Abad Santos) sa Raxabago St., malapit sa kanto ng Juan Luna St., Tondo dakong alas-4:20 ng madaling araw ng Oktubre 5.

Naaresto ng mga awtoridad ang mga suspek na sina Jonathan Balingit, 24; Esmelita Tumbagahan, 61; Renalyn Silverio, 40; Aldwin Castillo, 43; anna Punzal, 40; at Mark Echalar, 42.

Nakumpiska naman sa kanila ang nasa mahigit kumulang 100 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng P680,000.

Ayon kay BGen. Francisco, sinampahan ng kasong paglabag sa Sec. 5 at Sec. 11 ng RA 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002) ang mga naarestong suspek.

Tiniyak naman ni Gen. Francisco na tuloy-tuloy ang kanilang isinasagawang operasyon laban sa mga iligal na droga sa Maynila kung saan 24/7 silang nakabantay dito.

Samantala, inatasan ni Domagoso si Francisco na alamin ang mga nasa likod ng mga kumakalat na iligal na droga sa Maynila dahil posible umanong gamitin ito upang makakalap ng pondo para sa darating na halalan.

Giit ng Alkalde, kanya kanya lamang umano itong style kaya’t malas lamang umano ng mga nagpapakalat ng iligal na droga dahil sa Maynila nila ito ginawa kaya hindi sila nakalusot na mahigpit na pagbabantay ng kapulisan. JAY Reyes


  •  
  •  
  •