P5.9M marijuana winasak sa Ilocos Sur

P5.9M marijuana winasak sa Ilocos Sur

August 16, 2022 @ 10:17 AM 1 month ago


ILOCOS SUR-Nagkakahalaga ng P5,940,000 ang mga marijuana plants na sinira o winasak ng mga otoridad sa mga disputed boundaries ng Ilocos Sur at Benguet.

Nabatid na nagsasagawa ng dalawang araw (Agosto 14-15) na marijuana eradication operation sa disputed boundaries ng Sitio Culiang, Brgy. Tacadang, Kibungan, Benguet at Sitio Nagawa, Brgy. Caoayan, Sugpon, Ilocos Sur ang mga pinagsanib na puwersa ng Sugpon MPS (lead unit), PDEA RO1, RID, ISPDEU/PIU, San Emilio MPS, 103rd MC, RMFB1 at 2nd ISPMFC nang madiskubre nila ang 19,000 na nakatanim na fully grown marijuana.

Agad nilang pinagbubunot at sinunog ang mga naturang marijuana na tinatayang nagkakahalaga ng P3,880,000.

Samantala, bandang 2:00 ng hapon naman kahapon nang madiskubre ng mga pinagsanib na puwersa ng Alilem MPS, PDEA RO1-ISPO, 1st IS PMFC, IS PDEU, IS PIO, RID PRO1 ang 9,000 na fully grown marijuana at 250 marijuana seedlings sa disputed boundaries ng Sitio Nalbo, Brgy. Cayapa, Bakun, Benguet at Sitio Pilpil, Brgy. Amilongan, Alilem, Ilocos Sur.

Bukod sa fully grown marijuana at marijuana seedlings, may nakita rin ang mga otoridad na marijuana seeds doon sa lugar.

Tumitimbang ng 2000 grams ang natagpuang marijuana seeds.

Agad na pinagbubunot ng mga otoridad ang mga nakatanim na marijuana at sinunog ito kasama ang marijuana seeds.

Tinatayang nagkakahalaga ng P2,060,000 ang winasak na marijuana seeds at marijuana plants sa naturang lugar.

Walang natagpuan o nahuling cultivator ang mga otoridad sa mga nadiskubreng taniman ng marijuana. Rolando S. Gamoso