P5 to P20M bayaran sa registration renewal sa FDA isiniwalat ni Tulfo

P5 to P20M bayaran sa registration renewal sa FDA isiniwalat ni Tulfo

November 18, 2022 @ 11:33 AM 2 weeks ago


MANILA, Philippines – Ibinulgar ni Senador Raffy Tulfo na nagkakaroon ng P5 milyon hanggang P20 milyon ang bayaran upang mapabilis ang renewal ng certificate of product registration (CPR) sa Food and Drug Administration (FDA).

Sa kanyang interpelasyon sa ginanap na deliberasyon sa plenaryo ng badyet ng Department of Health, binanggit ni Tulfo ang isang pharmaceutical firm na naghintay ng tatlo hanggang limang taon bago magkaroon ng renuewal ng CPR.

“The “asking price” to fast track the process ranges from P5 million to P20 million per product,” giit ni Tulfo.

Dismayado naman si FDA director general Samuel Zarate, na naunang itinalaga noong Agosto, sa ibinulgar ni Tulfo.

“Kung ‘yan po ay totoo, nakakapanlumo po ‘yan kasi actually po we do not tolerate that in my agency,” ayon kay Zarate.

Binanggit din ni Tulfo ang kanyang pakikipag-usap sa dating director general ng ahensiya na umamin na sobrang talamak ang korapsiyon sa FDA.

“She admitted to me na graft-ridden ang inyong agency and she admitted to me… P5 million to P20 million ang hinihingi kada produkto. That’s why she said she’s gonna put a stop to it pero hindi niya napigil, hindi niya naputol ang practice na ‘yon. That’s why natanggal siya,” anang Senador.

“Now, wag kang magmalinis at wag mong sabihin na malinis ang inyong ahensya. Just accept the fact na maraming problema d’yan sa FDA and you’ll do something para linisin yan,” dagdag ni Tulfo.

Bilang tugon, sinabi ni Zarate na matagal na nitong nadidinig ang naturang alegasyon pero walang sapat na ebidensiya upang ituloy ang imbestigasyon.

“May mga naririnig po talaga ako but the problem is I don’t have leads,” aniya.

“Hindi ko po talaga hahayaan ang ganyan. So, I want to coordinate with people that have a knowledge regarding sa corruption ng ahensya ko. Puro s’ya po naririnig ko but I don’t have proof,” dagdag ng opisyal.

Sinabi pa ni Zarate na sanhi ng kawalan ng digitalization sa proseso ng ahensiya at kawalan din ng sapat na kumpensasyon sa eksperto, nagkakaroon ng backlog sa ialng tanggapan nito.

“Rest assured, I’m doing my best in my capacity. The FDA are brilliant people. They’re highly technical. On those allegations, I cannot tolerate that, sir. I will guarantee you that I will eliminate if I can see anything that is outside my principle of public service,” ani Zarate. Ernie Reyes