P500-M Cancer Assistance Fund inilabas na ng DBM

P500-M Cancer Assistance Fund inilabas na ng DBM

February 28, 2023 @ 10:05 AM 3 weeks ago


MANILA, Philippines – NAGPALABAS ang Department of Budget and Management (DBM) ng 2023 Cancer Assistance Fund (CAF) na nagkakahalaga ng P500 milyon para sa Department of Health (DOH).

Ang nasabing halaga ay bahagi ng comprehensive fund na ipinalabas ng DBM sa pagsisimula ngayong taon.

Ayon kay DBM Secretary Amenah F. Pangandaman, patunay lamang ito ng commitment o pangako ng gobyerno na palakasin ang health sector at pagtuunan ng pansin ang kapakanan ng mga Filipino na nagdurusa sa sakit na cancer.

“For many years, cancer has been one of the leading causes of death in the country. Sadly, Filipino families, even those in the upper-income brackets, are vulnerable to catastrophic health spending due to high treatment costs and limited coverage of cancer care under public programs. Based on 2019 estimates, around 60 percent of the total public cancer expenditures comes from out-of-pocket payments and private insurance. Naiintindihan kong mabigat ‘yon sa bulsa at balikat ng ating mga kababayan,” ayon kay Secretary Pangandaman.

Layon ng CAF na punan at dagdagan ang umiiral na financial support mechanisms para sa iba’t ibang cancer care at control services na hanggang ngayon ay hindi pa rin sakop ng Philippine Health Insurance Corporation at sinasabing “partially covered” lamang ng Malasakit Program.

“I hope we are able to shine a ray of hope to every Filipino battling the disease—the DBM is behind you and wants to give you a fighting chance,” dagdag na wika ng Kalihim.

Babayaran ng pondo ang outpatient at inpatient cancer control services, kabilang na subalit hindi limitado sa diagnostics, therapeutic procedures, at iba pang cancer medicines na kailangan para sa “treatment at management” ng cancer at care-related components nito.

Idagdag pa rito, kabilang din sa CAF ang pagpopondo sa kailangang “diagnostics at laboratories” may kaugnayan sa 8 priority cancer types.

Ito ay ang breast cancer; childhood cancers; gynecologic cancers; liver cancer, kabilang ang “colorectal at iba pang digestive tract cancers; adult blood cancers; head and neck cancers, kabilang ang thyroid; lung cancer; at prostate, renal, at urinary bladder cancer.”

Noong naraang taon, nagpalabas ang DBM ng P529.2 milyong piso para sa CAF, P230.8 milyon ay ginamit ng DOH. Ang balanse na P298.4 milyon ay maaaring gamitin hanggang katapusan ng 2023.

Ang pagpapatupad ng 2023 CAF ay ibabatay sa bagong guidelines na ipalalabas naman ng DBM at DOH sa lalong madaling panahon. Kris Jose