P500-M cancer assistance fund ipaglalaban ni Herrera

P500-M cancer assistance fund ipaglalaban ni Herrera

September 14, 2022 @ 4:46 PM 3 weeks ago


MANILA, Philippines – Nangako si Deputy Minority Leader at Bagong Henerasyon Party-list Rep. Bernadette Herrera na ipaglalaban niya ang paglalagay ng P500-milyon line item appropriation para sa cancer patients sa proposed P5.268 trilyon national budget sa 2023.

“We will do everything in our power to make sure that the cancer assistance fund will be included in the final version of the 2023 national budget,” pahayag ni Herrera sa isang statement ngayong araw, Setyembre 14.

Kung babalikan, sa nangyaring deliberasyon ng Kamara, napag-alaman na hindi kabilang sa National Expenditure Program (NEP) ang pondo para sa cancer assistance sa naipasang proposal ng Department of Budget and Management sa Kongreso.

Ang assistance fund ay naglalayong magbigay ng abot-kayang health care services sa mga cancer patients sa ilalim ng Republic Act 11215 o ang National Integrated Cancer Control Act of 2019.

Ayon kay DOH Officer-in-Charge Undersecretary Maria Rosario Vergeire, nang malaman nilang hindi kasama sa NEP ang P500-milyon pondo para sa cancer patients, sinubukan nilang ibalik ito ngunit hindi naaprubahan ng DBM.

Dahil dito ay nanawagan si Vergeire sa mga miyembro ng House Committee on Appropriations na tulungang maibalik ang cancer assistance fund sa budget ng susunod na taon.

“This financial assistance from the government will help defray treatment-related expenses for cancer patients who are facing financial challenges, especially amid the Covid-19 pandemic that really brought them to their knees,” ani Herrera.

“Napakahalaga po nito for our cancer patients, so I hope maibalik po natin sa DOH ‘yong P500 million assistance na ‘yon for our cancer patients. Napakahirap po, ang dami pong lumalapit po sa atin. So, I hope we could consider that in this committee,” dagdag pa niya. RNT/JGC