P500 monthly subsidy para sa mahihirap na Pinoy, ‘di pa naipamamahagi – DSWD

P500 monthly subsidy para sa mahihirap na Pinoy, ‘di pa naipamamahagi – DSWD

June 9, 2022 @ 4:30 PM 3 weeks ago


MANILA, Philippines- Hanggang sa ngayon ay  hindi pa rin naipamamahagi ang  P500 monthly subsidy ng gobyerno para sa mga  low income families.

Tinatayang may tatlong buwan nang hindi maipamahagi ang nasabing pera matapos na aprubahan ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte.

Kinumpirma ni Department of Social Welfare and Development (DSWD) spokesperson Irene Dumlao na naantala talaga ang payout ng subsidy.

Tinukoy ni Dumlao ang   government subsidy  na sinasabing “good for three months” o may kabuuang P1,500 kada isa ang 12.4 milyong low income families.

“The Joint Memorandum Circular on this between agencies ay napirmahan na, isinasaayos na ng mga ahensiya ang kinakailangan dokumento para makapag-umpisa na ng pamamahagi ng P500 monthly subsidy bago magtapos ang termino ni Pangulong Duterte,” ayon kay Dumlao sa Laging Handa public briefing.

Si Pangulong  Duterte ay mayroon na lamang 21 araw na mananatili sa pwesto at nakatakdang magtapos ang termino sa Hunyo 30.

Ipinag-utos nito ang pagpapalabas ng  monthly subsidy para sa mga low  income families, kung saan ginawa niyang P500 ang dating P200 kada buwan na dapat ay sinimulang ibigay noong Marso.

At sa tanong kung ano ang dahilan ng pagkakaantala ng pagbibigay ng monthly subsidy ay sinabi ni Dumlao na “proper documentation is still being readied for the distribution process.”

“We need to account kung ilang mahihirap na pamilya na po ang may cash card para sila na po ang unang mapahatiran ng subsidy ng national government,”  pahayag ni Dumlao.

Gayunman, sinabi ni  Dumlao na tinatayang may 12.4 milyong pamilya ang kuwalipikado sa ilalim ng subsidy program.

Ang mga kuwalipikadong pamilya ay iyong mga kabilang sa  ilalim ng Conditional Cash Transfer program, benepisaryo ng  Social Pension program, at iba pang mahihirap na pamilya  na may pagkakakilanlan sa National Household Targeting System for Poverty Reduction ng DSWD. Kris Jose