P500,000 donasyon natanggap ng PGH sa pagsasaayos ng pinsala sa sunog

P500,000 donasyon natanggap ng PGH sa pagsasaayos ng pinsala sa sunog

May 30, 2021 @ 8:57 AM 2 years ago


MANILA, Philippines – Matapos umapela ng tulong ang pamunuan ng Philippine General Hospital (PGH) sa kanilang social media upang maipagawa ang nasunog na bahagi ng nasabing ospital, naghatid ng tulong pinansyal ang Mahaveer Philippine Foundation para sa agarang pagpapaayos ng kanilang surgery area.

Ayon kay Manila City Administrator Felixberto Espiritu, na nagsisilbi rin na Asst. Corporate Secretary at isa sa mga founder ng Mahaveer Phil. Foundation, personal nilang iniabot ang tseke na nagkakahalaga ng P500,000 kay PGH Director Gabriel Legaspi na donasyon para sa pagpapagawa sa naapektuhan ng naganap na sunog.

Ayon pa sa opisyal, handa ang kanilang grupo na tumulong sa nasabing pampublikong ospital kung saan matatagpuan din sa isang bahagi nito ang kanilang opisina na ang layunin ay magbigay ng libreng “prosthetic leg” sa mga disabled person na naputulan ng kanilang paa.

Pinasalamatan naman ni Dr. Legaspi ang ibinigay na tulong pinansyal ng Mahaveer Phil. Foundation dahil malaking tulong aniya ito sa pagpapaayos sa kanilang surgery area na lubhang naapektuhan sa naganap na sunog.

Kaugnay nito, sinabi naman ni Espiritu na handa ang kanilang grupo na magbigay ng libreng prosthetic leg sa mga nangangailangan, hindi lamang mga Manilenyo kundi maging hindi residente sa lungsod ng Maynila.

Maaari aniyang magtungo sa City Administrator Office ang mga nais makakuha nito.

Nabatid na ang Mahaveer Philippine Foundation, Inc. ay may tatlong dekada nang may marangal na hangarin at walang pasubaling paglilingkod sa mga physically disabled. Jay Reyes