P500K alok ni Abalos sa makapagbibigay-impormasyon sa Lapid slay

P500K alok ni Abalos sa makapagbibigay-impormasyon sa Lapid slay

October 6, 2022 @ 7:51 AM 2 months ago


MANILA, Philippines – Nag-aalok si Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Benjamin “Benhur” Abalos Jr. ng ₱500,000 pabuya sa sinomang makapagbibigay ng impormasyon sa mga pumatay sa beteranong broadcaster sa radyo na si Percival Mabasa, na kilala rin bilang Percy Lapid.

Inihayag ni Abalos ang pabuya sa kanyang pagbisita sa burol ni Lapid nitong Miyerkoles ng gabi, habang nanawagan siya sa publiko na magbigay ng impormasyon sa mga awtoridad na hahantong sa pagkakaaresto sa mga suspek.

Kuha ni Cesar Morales

“I’m offering ₱500,000 of my own money for any information na makakatulong pa [that could help],” ani Abalos.

Sinabi ng DILG chief na kinondena ng kasalukuyang administrasyon ang pamamaril sa broadcaster. Tiniyak din niya sa publiko na ang gobyerno ay ginagawa ang lahat para malutas ang kaso.

“Lahat ng resources ng gobyerno ay gagamitin para mahanap kung sinuman ang perpetrators nito,” dagdag pa ng Interior chief.

Nitong Lunes ng gabi, si Lapid, isang kritiko ng kasalukuyang administrasyon at ni dating Pangulong Rodrigo Duterte, ay binaril sa kanyang sasakyan sa Las Piñas City matapos tila makatanggap ng mga banta ng kamatayan. RNT