P50B badyet sa railway project, ibinalik ng Senado

P50B badyet sa railway project, ibinalik ng Senado

November 26, 2022 @ 2:52 PM 2 months ago


MANILA, Philippines- Ibabalik ng Senado ang P50 bilyong pondong unang tinanggal para sa ilang railway projects partikular ang North-South Commuter Railway Project (P40 bilyon) at Metro Manila Subway Project (P10 bilyon).

Sa pahayag, sinabi ni Senador JV Ejercito na alinsunod ang desisyon sa panukalang amyenda sa P5.268 trilyon national budget para sa 2023 na inaprubhan sa huling pagbasa ng Senado nitong Miyerkules.

 “Metro Manila’s public transportation system was recently ranked among the world’s worst. This is the reason why I fought to restore the budgets of the North-South Commuter Railways and the Metro Manila Subway Project,” aniya sa statement.

“This will not only be of convenience for all Filipino commuters but also a key driver for economic growth and development,” giit niya.

Unang kinuwestiyon ni Ejercito ang isyu sa tinapyas na badyet sa unang interpelasyon nito sa panukalang pondo ng Department of Transportation (DOTr).

Sa bersiyon ng Senado, tinanggal ang P69 bilyon mula sa unprogrammed appropriations na ipambabayad sa live contracts ng contractor.

Ngunit, ipinaliwanag ni Ejercito na dapat ibalik ang pondo dahil kapag binawasan ito, makakaapekto ito sa schedules na konstruksiyon at maaaring magkaroon ng karagdagang gastusin.

Pinopondohan ang P448.47 bilyong subway project mula sa inutang sa Japan International Cooperation Agency (JICA). Sa 2028, inaasahang makukumpleto ang proyekt at maaaring maglulan ng 519,000 pasahero kada araw.

Nagsimula nitong Biyernes ang Bicameral conference committee upang talakahin ang 2023 national budget. Ernie Reyes