P50B supplemental fund para sa retiradong sundalo – Yap

P50B supplemental fund para sa retiradong sundalo – Yap

March 14, 2021 @ 3:24 PM 1 year ago


Manila, Philippines – Maghahain ngayong araw ng P50 bilyong supplemental fund para sa mga retiradong sundalo si ACT-CIS Rep. at House appropriations committee chairman Cong. Eric Yap.

“Ito po ang ipapalit natin sa nawawalang retirement fund ng mga sundalo na pinagtatanggal noon pang 2018 na ngayon lang nabunyag,” ayon kay Cong. Yap.

Sa panayam kamakailan ng media, sinabi ni Yap na bagama’t 2019 siya naupo bilang chairman ng House appropriations committee, ang budget na lang daw para sa 2020 ang kanyang narebisa at inaprubahan.

“‘Yung na-review ko na budget ay ‘yung para sa 2020 na dahil ‘yung 2019 budget ay tinalakay noong 2018 ay hinanda the year before and so forth,” ayon kay Yap.

Base sa House appropriations report, si dating Cong. at appropriations Chair Karlo Nograles ang naghanda ng budget para sa 2018.

Sa naturang rekord, makikita na binawasan ng P23.5 bilyon ang pensyon ng mga sundalo.

At noong 2019 budget si Cong. Rolando Andaya ang nag-ayos ng pondo bilang House appropriations chairman.

May P39 bilyon naman ang tinapyas sa pensyon ng mga sundalo noong panahong iyon.

Subalit ang pinakamalaking tinapyas na pondo sa mga retired AFP personnel ay noong 2019 na umabot sa P74 bilyon ayon pa rin sa House appropriations record.

Si Davao 3rd District Cong. Isidro Ungab ang nag-apruba ng naturang budget cut bilang House appropriation chairman.

“Yung P20 bilyon na inalis natin sa pensyon ng mga sundalo noong nakaraang taon ay nilagay po natin sa pagpapatayo ng DPWH ng quarantine facilities, ayuda sa mga nawalan ng trabaho at ‘yung iba ay napunta sa DSWD assistance to individuals in crisis situation,” dagdag pa ni Yap.

“Willing po ako maimbestigahan at ilabas ang records para magkaalaman kung saan napunta ‘yung pondo,” ani Yap.

“Pero ang hindi ko po masagot ay ‘yung mga pinagtatapyas ng mga appropriation chairman before me, kung saan nila dinala ang pondo,” pahabol pa ng mambabatas. RNT