P50K sa bawat nasawing sundalo sa C-130 crash, ibibigay ni Pacquiao

P50K sa bawat nasawing sundalo sa C-130 crash, ibibigay ni Pacquiao

July 6, 2021 @ 5:25 PM 1 year ago


MANILA, Philippines – Nakatakdang magbigay si Senador Manny Pacquiao ng halagang P50,000  sa bawat isang pamilya ng biktimang namatay sa pagbagsak ng C-130 sa Patikul, Sulu bilang personal  na tulong.

Sa pahayag,  sinabi pa ni Pacquiao na magbibigay din siya ng halagang P20,000 sa bawat sundalong nakaligtas sa trahedya na kasalukuyang iniimbestigahan ng Department of National Defense (DND).

“Bilang tulong sa aking mga kapatid sa Armed Forces of  the Philippines (AFP) at mga sibilyang naging biktima ng  C-130 crash sa Patikul, Sulu, magbibigay ako  mula sa aking personal na pondo ng P50,000 sa bawat pamilya ng mga nasawi  at P20,000 para sa mga sugatan,” ayon kay Pacquiao.

Nitong Sabado, bumagsak ang  C-!30, ikatlo sa kasaysayan ng Philippine Air Force, sa Patikul, Sulu matapos itong mabigong makalapag sa maikling runway.

Mahigit 49 sundalo,  karamihan ay kakagaling lamang sa training, ang namatay kabilang ang ilan sugatan na kasalukuyang ginagamot ngayon sa ospital ng militar.

May ilang sibilyan din ang nasugatan at namatay sa insidente.

Galing ang C-130 sa Cagayan De Oro City na humakot ng ilang sundalong nagtapos sa huling pagsasanay at nakatakdang italaga sa kauna-unahang combat duty.

“Kasama po ako ng sambayanan sa panalangin para ating mga bayaning nasawi at para sa agarang paggaling ng mga sugatan,” ayon kay Pacquiao.

Nakatakdang imbestigahan ng Senado ang insidente na isinulong nina Senador Grace Poe at Francis Pangilinan kabilang si Senate Majority Leader Juan Miguel Zubiri upang matukoy kung ano ang patakaran na puwedeng nilikhain upang maiwasan ang naturang insidente sa hinaharap. Ernie Reyes